Miyerkules, Hulyo 25, 2018

Wika kong Pinatubo ni Vincent Echane Rumarate

Wika kong Pinatubo
Ni Vincent E. Rumarate

Ano itong ingay, tunog na naririnig ko
Mula sa ibon, bundok, agos ng tubig ba ito
Wari'y daing na hugot mula sa kalooban at pandama
O pawang alingawngaw na nagsasabing dito ka.



Masaya ba ito, o nakalulungkot ba
Kung may poot, ginhawa, pagmamahal, ligaya
Sa tunog na ito simula'y magulo pa
Tumigil ang sandali, ito pala'y wika na!



Panangga sa kalaban, sandalan at kasundo
Naging wika nga yaring hiwatig at pangako
Sinubok sa gawain, sa isipan ay tumaim
Kasasayan lumalim ng wika'y itinanim



Pinayabong, pinamalas, henyo at talento
Kakaibang tanglaw ang hawa'ng nananalaytay dito
Nang umigting ng malalim, daghoy nito'y Maharlikang dugo
  Sumibol ang sanggol na kung tawagin ay Pilipino.




Noon, hanggang ngayon, pinagyayaman na ito
Sa layunin at adhikain, lumawak ang pagkatao
Lumalim nang tunay, bato'y nagwikang Filipino
Dinbdib, isinapuso Pilipino'y naging ako.



Kaya't gamitin, igalang huwag itatwa kabataan!
Pagka't pagkakakilanlan, dito rin naka laan
Payapang kakamtin, buhay ay tiyak na makabuluhan.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento