Linggo, Hunyo 16, 2024

Madulang Sabayang Pagbigkas — π™π™€π™‰π˜Όπ™Žπ™„π™ˆπ™„π™”π™€π™‰π™π™Š: π˜½π™€π™π™Žπ™„π™†π™π™‡π™Š π™„π™‰π˜Ώπ™€π™‹π™€π™‰π˜Ώπ™€π™‰π˜Ύπ™„π˜Ό ni Vincent Echane Rumarate

π™π™€π™‰π˜Όπ™Žπ™„π™ˆπ™„π™”π™€π™‰π™π™Š: π˜½π™€π™π™Žπ™„π™†π™π™‡π™Š π™„π™‰π˜Ώπ™€π™‹π™€π™‰π˜Ώπ™€π™‰π˜Ύπ™„π˜Ό 

Orihinal na Komposisyon ni: 
Vincent Echane Rumarate


Paslangin mo man ang tinig ng alipin
Kasaysayan ko ma'y iyong bulatlatin
Kahiman kasarinlan at kaluluwa ang muling iwaglit
-Pinapanday ko na yaring sandata
-Utak ko'y isinasalin na sa pluma
Pulu-pulutong.para sa inaasam na saglit
Sandugong titikalin ang daigdig niyong mapanlit!

Sa ningas mo ba'y papasilaw o papaanino sa gabing maginaw
Kaya't susunguin, mapaso man sa tanglaw
Umalab lamang sa katapangan, ang pusong sukdulan sa panglaw

Asupre at pulbura man ang kumitil sa ganang buhay
Sugat at rubdob man ng damdamin ang sa ami'y pumatay
Kalabitin man nang sanlibong ulit ang balang magpaparatay
Dilat at gising pa rin ang kaluluwa at magmumulto, laman ma'y nakahandusay

Hindi na siglo pa ang gagapangin nang pagdurusa
Tatadhanain din ang mga tanikala ng ating laman at kaluluwa
Maglilipana nang tuluyan, tulad ng daloy ng tubig sa dalisidis ng bundok
Sariling kakintalan ang tuluyang iiral at tatampok

Minsan na tayong nagpasiil mula sa tahimik na pagkakalimlim
Nilinlang at ginulpi ng mga dayuhang salamin nang panimdimn
Ni halos inabo, ibinaon ang pagkakakilanlan natin at itinarak sa ugat ang dugong pababa tayong hihilain

Panalaytayin na ang dugong katutubo, moderno mang ituring
'Di na pagagapos pa, wala nang papaalipin
Silakbo ng damdamin, sa salot at bagyo'y bumulyaw nang balangkasin
Buhayin lang muli ang lupang sa sariling paa uugatin

Aalpas para magpagal lamang ng palay na punla sa sariling libag
Tatakas, malasahan lamang ang sariing alat ng asin
Kakaripas, ng ang sariling sala lamang ang sa balat ay gagasgas

Tinig ma'y mapudpod kakaalingawngaw
Laman ma'y uorin at mapasatiyan ng langaw
Adhika'y hindi huhumpay
Hahamakin pati hangin, papagaspas pati alingasaw
Mabawi lang ang sa ami'y inagaw

Pipiglas ka ba?
O yuyukod na lamang?
At hahayaang uuorin at mapasalangaw
Ang manang kasarinlan?

Sa huli, aking titingalain ang araw sa Silangan
Habang sinasambit ang mga katagang—"Ang mamatay ng dahil sa'yo."


Miyerkules, Hulyo 25, 2018

Wika kong Pinatubo ni Vincent Echane Rumarate

Wika kong Pinatubo
Ni Vincent E. Rumarate

Ano itong ingay, tunog na naririnig ko
Mula sa ibon, bundok, agos ng tubig ba ito
Wari'y daing na hugot mula sa kalooban at pandama
O pawang alingawngaw na nagsasabing dito ka.



Masaya ba ito, o nakalulungkot ba
Kung may poot, ginhawa, pagmamahal, ligaya
Sa tunog na ito simula'y magulo pa
Tumigil ang sandali, ito pala'y wika na!



Panangga sa kalaban, sandalan at kasundo
Naging wika nga yaring hiwatig at pangako
Sinubok sa gawain, sa isipan ay tumaim
Kasasayan lumalim ng wika'y itinanim



Pinayabong, pinamalas, henyo at talento
Kakaibang tanglaw ang hawa'ng nananalaytay dito
Nang umigting ng malalim, daghoy nito'y Maharlikang dugo
  Sumibol ang sanggol na kung tawagin ay Pilipino.




Noon, hanggang ngayon, pinagyayaman na ito
Sa layunin at adhikain, lumawak ang pagkatao
Lumalim nang tunay, bato'y nagwikang Filipino
Dinbdib, isinapuso Pilipino'y naging ako.



Kaya't gamitin, igalang huwag itatwa kabataan!
Pagka't pagkakakilanlan, dito rin naka laan
Payapang kakamtin, buhay ay tiyak na makabuluhan.




Biyernes, Hulyo 6, 2018

Sabayang Pagbigkas: "Mukha ng Kabataan sa Makabagong Bayan!" Ni Vincent Echane Rumarate

Ano bang mga sagot sa mga katanungan na ang sagot ay katanungan rin? Mga balangkas ng banghay sa pagpapalawak ng ating mga sarili. Pataasan ng bilang! Palakasan ng katawan! At palawakan ng alam!


Pagtuklas nito'y kaakibat' kapalit ang kinabukasan. Ano na? Bakit pa? Pa'no na? Saan ako babaybay? Tatamuhin ko pa ba ang gusto kong tahakin? May saysay pa ba ako pagdating sa aking sarili?


Kayong iilan at nakararami na nagtatakip ng madilim na kumot sa liwanag naming tinatanaw. Nabubulag, nabibingi, at napipipi, maging kami'y may pagkatao rin mula sa impluwensiya ng pananakot! Mga krimen! At buhay na pinaparalisa


Subalit narito ako! Akong nagmamakaawang sumisigaw ng aking mga daing matuloy lamang ang pangarap ay tila patay sindi na lamang. Edukasyon at paniniwala ang siyang dala't bitbit para               masilip kung ano ba ang tuwid o baluktot.


Kami na lang, kami na lang ang bubuo ng dapat buohin! Sasarilihin ang sinag mula sa Kanyang biyaya. Hangga't ayaw niyong itigil ang inggit, ganid, at poot. Sa isang sulok lang ako mananahan habang uunti-untiin, ang mga pangakong mula inyo na binabasag at dinudurog. Hangga't ang bulyaw, ingay, at pagsabog ay walang humpay, dito lang ako!


Ngunit sinasabi ko, hihintayin ko pa ring tuwirin ang daang aming lalakarin at tatamuhin. Naiintindihan ko at iintindihin ko na kaya pinapahid niyo muna ang luha ko sa aking pag-iyak sa halip na unahin niyong pansinin ang tuhod kong nasugatan upang ipalimot ang masamang nangayri at positibo naming harapin ang daang nayuyurak na.


Marunong na kaming humindi at sumang-ayon. Pagkamit ng ideolohiya na naging sandigan sa pag-hubog ng aming anyo. Relihiyon na may pananampalataya, aklat na may Edukasyon, at lakas ang nakataya makisapi lang sa mundo.


Kabataan isinisiwalat, mamulat, lumapit, taglayin ang katotohanan. Hayaan nating ipanangga ang ating sarili para sa nararapat! Maging sandata upang lumakas ang mahihina! Tumuwid ang mga buktot, at nang mabuhay dala-dala ang apoy na nag-aalab at nagsasabing; "Ang pag-asa ay ako, ako ang pag-asa!"

                                  Mukha ng Kabataan sa makabagong Bayan!