Linggo, Hunyo 16, 2024

Madulang Sabayang Pagbigkas — π™π™€π™‰π˜Όπ™Žπ™„π™ˆπ™„π™”π™€π™‰π™π™Š: π˜½π™€π™π™Žπ™„π™†π™π™‡π™Š π™„π™‰π˜Ώπ™€π™‹π™€π™‰π˜Ώπ™€π™‰π˜Ύπ™„π˜Ό ni Vincent Echane Rumarate

π™π™€π™‰π˜Όπ™Žπ™„π™ˆπ™„π™”π™€π™‰π™π™Š: π˜½π™€π™π™Žπ™„π™†π™π™‡π™Š π™„π™‰π˜Ώπ™€π™‹π™€π™‰π˜Ώπ™€π™‰π˜Ύπ™„π˜Ό 

Orihinal na Komposisyon ni: 
Vincent Echane Rumarate


Paslangin mo man ang tinig ng alipin
Kasaysayan ko ma'y iyong bulatlatin
Kahiman kasarinlan at kaluluwa ang muling iwaglit
-Pinapanday ko na yaring sandata
-Utak ko'y isinasalin na sa pluma
Pulu-pulutong.para sa inaasam na saglit
Sandugong titikalin ang daigdig niyong mapanlit!

Sa ningas mo ba'y papasilaw o papaanino sa gabing maginaw
Kaya't susunguin, mapaso man sa tanglaw
Umalab lamang sa katapangan, ang pusong sukdulan sa panglaw

Asupre at pulbura man ang kumitil sa ganang buhay
Sugat at rubdob man ng damdamin ang sa ami'y pumatay
Kalabitin man nang sanlibong ulit ang balang magpaparatay
Dilat at gising pa rin ang kaluluwa at magmumulto, laman ma'y nakahandusay

Hindi na siglo pa ang gagapangin nang pagdurusa
Tatadhanain din ang mga tanikala ng ating laman at kaluluwa
Maglilipana nang tuluyan, tulad ng daloy ng tubig sa dalisidis ng bundok
Sariling kakintalan ang tuluyang iiral at tatampok

Minsan na tayong nagpasiil mula sa tahimik na pagkakalimlim
Nilinlang at ginulpi ng mga dayuhang salamin nang panimdimn
Ni halos inabo, ibinaon ang pagkakakilanlan natin at itinarak sa ugat ang dugong pababa tayong hihilain

Panalaytayin na ang dugong katutubo, moderno mang ituring
'Di na pagagapos pa, wala nang papaalipin
Silakbo ng damdamin, sa salot at bagyo'y bumulyaw nang balangkasin
Buhayin lang muli ang lupang sa sariling paa uugatin

Aalpas para magpagal lamang ng palay na punla sa sariling libag
Tatakas, malasahan lamang ang sariing alat ng asin
Kakaripas, ng ang sariling sala lamang ang sa balat ay gagasgas

Tinig ma'y mapudpod kakaalingawngaw
Laman ma'y uorin at mapasatiyan ng langaw
Adhika'y hindi huhumpay
Hahamakin pati hangin, papagaspas pati alingasaw
Mabawi lang ang sa ami'y inagaw

Pipiglas ka ba?
O yuyukod na lamang?
At hahayaang uuorin at mapasalangaw
Ang manang kasarinlan?

Sa huli, aking titingalain ang araw sa Silangan
Habang sinasambit ang mga katagang—"Ang mamatay ng dahil sa'yo."